Paano ko ba malalaman ang grupo, sekta o relihiyon ay tunay na galing sa Diyos?
Inaangkin ng ilang mga grupo na sila lang daw ang tunay. Ang mga miyembro lang daw nila ang walang hanggang makakasama ng Diyos. Pero pag tanungin mo nang maigi ang isang miyembro o lider noon, hindi pa siya tiyak na kasama siya! Kung itanong mo sa isang miyembro kung saang kasulatan nakasalalay ang mga paniniwala niya, madalas na di niya alam dahil di naman siya masyadong nagbabasa ng Biblia. Aayain ka na lang nila sa pagtuturo ng lider niya.
Paano malalaman kung sino ang talagang sa Diyos? May tatlong tanong na dapat mong sagutin:
- Ang itinuturo ba ng grupo ay tungkol kay Cristo at sa mga aral niya?
- Ang ugali ba ng mga miyembro ng grupo at lalo na ang mga nagtuturo doon ay nagiging tulad ng ugali ni Cristo?
- Payag ka bang sumunod sa kalooban ng Diyos kung malaman mo iyon?
Una, ANG ITINUTURO BA NG GRUPO AY TUNGKOL KAY CRISTO AT SA MGA ARAL NIYA?
“Sabi ni Jesus, “Saliksikin ninyo ang mga kasulatan, sapagka’t iniisip ninyo na sa mga yaon ay mayroon kayong buhay na walang hanggan; at ang mga ito’y siyang nagpapatotoo tungkol sa akin.” (Juan 5:39)
Ang sinomang nagpapatuloy at hindi nananahan sa aral ni Cristo, ay hindi kinaroroonan ng Dios: ang nananahan sa aral, ay kinaroroonan ng Ama at gayon din ng Anak. (2 Juan 9)
Ang sulat ni Juan ay sinulat upang ang tunay na sumasampalataya ay makatiyak na siya ay may buhay na walang hanggan!
Ang mga bagay na ito ay isinulat ko sa inyo, upang inyong maalaman na kayo’y mayroong buhay na walang hanggan, sa makatuwid ay sa inyong nananampalataya sa pangalan ng Anak ng Dios. (1 Juan 5:13)
Alam ko na nakasama na ako sa grupong galing sa Diyos dahil mula noong 1979 hanggang ngayon, tiyak ko na may buhay na walang hanggan na ako! Gayun din ang mga tinuruan ko!
Sa pagdalo mo sa pagtitipong dinadaluhan mo, nakatitiyak ka na ba na kilala mo si Jesus? … Alam mo na rin ba na may buhay na walang hanggan ka na?
Ikalawa, imbestigahan mo kung ANG UGALI NG MGA MIYEMBRO NG GRUPO AT LALO NA ANG MGA NAGTUTURO DOON AY NAGIGING TULAD NG UGALI NI CRISTO? Sinabi ni Jesus,
Mag-ingat kayo sa mga bulaang propeta, na nagsisilapit sa inyo na may damit tupa, datapuwa’t sa loob ay mga lobong maninila. Sa kanilang mga bunga ay inyong makikilala sila. Nakapuputi baga ng mga ubas sa mga tinikan, o ng mga igos sa mga dawagan? Gayon din naman ang bawa’t mabuting punong kahoy ay nagbubunga ng mabuti; datapuwa’t ang masamang punong kahoy ay nagbubunga ng masama. Hindi maaari na ang mabuting punong kahoy ay magbunga ng masama, at ang masamang punong kahoy ay magbunga ng mabuti. Bawa’t punong kahoy na hindi nagbubunga ng mabuti ay pinuputol, at inihahagis sa apoy. Kaya’t sa kanilang mga bunga ay mangakikilala ninyo sila. (Mateo 7:15-20)
Makikita ang bunga ng nagtuturo sa ugali niya at sa ugali ng mga tinuruan niya. Kung tama ang doktrina nila, kabanalan dapat ang dulot noon sa buhay nila:
Kung ang sinoma’y nagtuturo ng ibang aral, at hindi sumasangayon sa mga salitang nakagagaling, sa makatuwid ay sa mga salita ng ating Panginoong Jesucristo, at sa aral na ayon sa kabanalan; Ang gayon ay palalo, walang nalalamang anoman, kundi may-sakit sa mga usapan at mga pagtatalo, sa mga salitang pinagbubuhatan ng kapanaghilian, mga pagkakaalit, mga pagalipusta, mga masasamang akala. (1 Timoteo 6:3-4)
May nagbida sa akin na isang miyembro ng isang grupo na nang binato daw ang kapilya nila ng isang tao, hinili daw nila iyon at binaril sa loob ng kapilya. Dahil doon, nakatiyak akong di sila ang tunay!
Alam ko na tama ang natanggap kong aral dahil nabago ang buhay ko at ng mga tinuruan ko noon. Halimbawa, nawala ang pagmumura ko dati at ang pagkapoot sa ibang tao kaya ako noon nagmumura.
Inimbitahan ka ba na dumalo sa isang pagtitipon? … May pagbabago ba sa buhay ng nag-imbita sa iyo? … Pwede mo bang maimbistigahan ang ugali sa tahanan ng nagtuturo nang ligtas ka? …
Kahit sinasaliksik mo na ang Biblia at ang mga nagtuturo noon, maaari di mo pa rin malaman ang katotohanan kung di ka PAYAG SUMUNOD SA KALOOBAN NG DIYOS.
Kung ang sinomang tao ay nag-iibig gumawa ng kaniyang kalooban, ay makikilala niya ang turo, kung ito’y sa Dios, o kung ako’y nagsasalita na mula sa aking sarili. (Juan 7:17)
Nahihirapan ka bang malaman kung anong grupo ang tunay? Hindi kaya ang dahilan ay hindi ka pa handang sumunod kung sakaling alam mo ang katotohanan? …
Subalit kung nais mong sumunod sa kalooban ng Diyos, pagka sasaliksin mo ang Biblia kung totoo ang sinasabi ng nangangaral na ang ugali ay nagiging tulad ni Jesus (Gawa 17:11), makikita mo ang katotohanan (Mateo 7:7-8) na magpapalaya sa iyo (Juan 8:31-32)!